Connect with us

Aklan News

KAWALAN NG MEMORANDUM OF AGREEMENT (MOA) DAHILAN NG PAGSAMPA NG ADMINISTRATIVE COMPLAINT NI VICE MAYOR REX GUBATINA VS. MADALAG MAYOR ALFONSO GUBATINA

Published

on

GUBATINA VS GUBATINA ADMIN CASE, INIREKOMENDANG I-ARCHIVE NG SP INVESTIGATING COMMITTEE

Ipinahayag ni Madalag Vice Mayor Rex Gubatina na ang kawalan ng Memorandum of Agreement o MOA sa ipinapatayong evacuation center sa isang private property sa Barangay Talimagao, Madalag ang dahilan kung bakit sinampahan niya ng kasong administratibo si Mayor Alfonso Gubatina.

Ito ang tugon ng bise-alkalde matapos magpasya ang Committee on Laws ng Aklan Sangguniang Panlalawigan na pag-aaralan muna nila ang nasabing kaso laban sa alkalde.

Kasunod rin ito ng rekomendasyon ni Board Member Atty. Immanuel Sodusta, na miyembro ng Committee on Laws na i-dismiss ang nasabing administrative complaint dahil kulang ito sa laman at iba pang dokumento.

Ayon pa sa bise-alkalde, hindi niya maintindihan si Sodusta kung bakit hinahanap nito ang MOA bilang attachment sa nasabing reklamo na ito nga mismo ang nilalaman ng kanyang reklamo.

Aniya, kaya siya nagdesisyon na sampahan ng kaso si Mayor Gubatina dahil pumasok ito sa isang kontrata na walang awtoridad mula sa Sangguniang Bayan ng Madalag at walang Deed of Donation ang lupang pinagtayuan ng nasabing proyekto.

Ang nasabing hakbang ng alkalde ay paglabag sa ilang probisyon ng Local Government Code of 1991.

Dagdag pa ni Vice Mayor Gubatina, dapat mayroong authority to enter a contract at Deed of Donation si Mayor Gubatina bago isinagawa ang nasabing proyekto sa kanilang bayan.

Saad pa nito na dapat munang humingi ng authority ang alkalde sa Sangguniang Baya sa pamamagitan ng isang resolusyon bago pumasok sa isang kasunduan sa ngalan ng lokal na pamahalaan.

Subalit hindi rin umano sapat ang resolusyon kung walang Deed of Donation sa nasabing lupain dahil ito’y isang private property.

Dahil dito, nagdesisyon ang bise alkalde na sampahan ng kaso ang kanyang pinsan at kasalukuyang alkalde ng kanilang bayan upang maprotektahan ang interes ng kanilang mamamayan gayundin ang kanilang bayan.

Binigyan-diin ni Vice Mayor Gubatina na ang perang ginamit ng kanilang alkalde sa naturang proyekto ay nagmula sa kaban ng kanilang bayan.

Napag-alaman na ang naturang proyekto na nagkakahalaga ng mahigit P1.6 million pesos.