Aklan News
KAWALAN NG TITULO AT FLAGT MULA SA DENR DAHILAN NG PAGKA-ARESTO NG 3 PINOY AT ISANG DAYUHAN SA BORACAY – NBI
Nilinaw ni National Bureau of Investigation (NBI) Special Investigator Rizaldy Rivera na walang titulo ng lupa at Forest Land use Agreement for Tourism Purposes (FLAGT) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang establisyementong nakatirik sa isla ng Boracay na humantong sa pagka-aresto ng apat na indibidwal nitong Martes.
Kinilala ang mga naaresto na sina Ludwig August Borchers, 69, isang German national, Dhelmar Evangelio, 29, Gerald Alapag, 29, at Mark Bernard Alcantara, 42, at parehong mga Pinoy.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Rivera, kinumpirma nito ang pagka-aresto sa apat na indibidwal dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o “Revised Forestry Code of the Philippines”.
“I can confirm that nagkaroon po ng operasyon ang NBI Manila kahapon dito sa Boracay island which resulted to the arrest of four people of a violation of Presidential decree 705 yung “Revised Forestry Code of the Philippines”, ani Rivera.
Ayon kay Rivera, ang lugar kung saan nakatirik ang kanilang establisyemento ay na-‘classified’ bilang forestland area.
Dagdag pa nito na ‘warrantless arrest’ ang isinagawa ng NBI at hindi na pinosasan ang mga naaresto.
Pahayag pa ni Rivera na mayroon ng show cause order at ‘notice to vacate’ mula sa DENR ang naturang establisyemento.
Ayon pa sa kanya na ang mga local permit at clearances na pinanghahawakan nila ay hindi ang mga kailangang dokumento para magkaroon ng lehitimong pananatili sa isang forestland.
“…those are the documents that is not needed para po magkaroon ng legitimate stay sa isang forestland…,” pahayag ni Rivera.
Ang mga naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o “Revised Forestry Code of the Philippines” na may pyansang P36,000 para sa kanilang pansamantalang kalayaan.