Connect with us

Aklan News

Koleksyon ng Terminal Fee sa mga Jetty Ports, tumaas sa kabila ng patuloy na rehabilitasyon sa Boracay

Published

on

File Photo: Mary Ann Solis

Kalibo, Aklan – Masayang ibinalita ni Aklan governor Florencio Miraflores na bumalik na sa dati ang kinikita ng Caticlan at Cagban Jetty Port mula sa mga terminal fees.

Magugunitang lubos na nakaapekto sa turismo at kita ng probinsya nitong nakaraang taon ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na isara ang isla sa loob ng anim na buwan.

Sa kanyang SOPA kahapon, sinabi nito na umaabot na sa P241.3 million ang nakolekta ng mga port sa loob lamang ng unang quarter ng taon. Malaki umano ang dinagdag nito kung ikukumpara sa kabuuang kita nitong nakaraang taon na umaabot lamang sa P249.8 million.

Sinabi pa ng gobernador na ito na ang kanilang sagot sa malaking epekto na naidulot ng Boracay closure.

Kaugnay nito, ipinahayag niya na pirmado na ni Pangulong Duterte ang P25 billion rehabilitation budget ng isla at malaki umano ang papel na gagampanan ng pamahalaang lokal sa implementasyon nito.

Patuloy din aniya ang rehabilitasyon ng 21 kilometer road network ng Department of Public Works on Highways (DPWH) sa isla.

Maliban dito ay suportado rin ng lokal na gobyerno ang DENR sa kanilang pagtatag ng 25+5 meter easement sa mga baybayin upang matanggal ang mga iligal na istraktura.

Ayon pa kay Miraflores, mas palalakihin pa ang Caticlan at Cagban Jetty Ports at lalagyan ng kumpletong kagamitan na may kakayahang tumanggap ng mga cruise ship passengers sa hinaharap.