Aklan News
KOMPANIYANG BALAK MAGTAYO NG CREMATORIUM SA BADIO, NUMANCIA MULING IIMBITAHAN UPANG MAGPALIWANAG
Inirekomenda ni Punong Barangay Victor Crispino sa Local Government Unit (LGU) Numancia na muling imbitahan sa isang pagpupulong ang kompaniyang nais magtayo ng crematorium sa Barangay Badio, Numancia.
Ayon kay Crispino mas makabubuti kung mismong ang ‘proponent’ ang haharap at magpapaliwanag sa mga residente ukol sa pagpapatayo ng crematory sa nasabing lugar.
Pahayag pa ni Crispino na ang nasabing crematorium ay itatayo sa likod ng municipal cemetery at may kabuuang sukat na 150 square meters.
Dagdag pa ng opisyal na ayaw niyang pangunahan ang lokal na pamahalaan ngunit nais niya umanong mabigyan ng kasagutan at nang maliwanagan ang kanyang mga nasasakupan.
Ani pa ni Crispino na hindi sa kanilang tanggapan unang nagtungo ang naturang kompaniya kundi nauna itong dumulog sa Sangguniang Bayan at doon niya lamang nalaman nang siya ay maimbitahan kasama ang kanyang barangay kagawad na may hawak sa komitiba ng pangkalusugan noong Setyembre 13.
Dahil dito ay walang ideya at huli na nang malaman ng mga residente na may itatayong crematorium sa nasabing lugar.
Matatandaan na mariin itong tinututulan ng mga residente barangay Badio at ng mga karatig barangay, kung saan, isang ‘petition letter’ ang kanilang ipinaabot sa tanggapan ni punong barangay gayundin sa lokal na gobyerno ng Numancia.
Nababahala ang mga residente sa lugar dahil sakaling maitayo na ito ay maaring magkaroon ng masamang epekto ang usok nito sa kanilang kalusugan.
Sa nasambing pagpupulong ay iimbitahan ang representante ng nasabing kompaniya, ang hanay ng municipal at provincial sanitation, Department of Environment ang Natural Resources (DENR), at iba pang responsableng ahensiya kasama na ang mga apektadong residente.
Napag-alaman na ang Justrod Crematorium na pagmamay-ari ni Rodrigo C. Coquia Jr. ay mayroon ng business permit at business licence plate.
Sa kabilang banda, nais rin umano ni punong barangay Crispino na mangyari ito sa mas lalong madaling panahon ngunit inaantay pa nila kung kailan puwede ang nasabing kompaniya.