Aklan News
Konsehal Yap nagbigay ng payo para makasigurong ligtas sa corona virus
Hindi dapat magpanic! Ito ang paalala ng doktor at konsehal ng Roxas City na si Dr. Cesar Yap kaugnay ng pangamba sa pagkalat ng novel corona virus sa bansa.
Sa kanyang privilege speech sa Sangguniang Panglungsod, nagbigay ang opisyal ng ilang mahalagang payo kung paano makakaiwas sa naturang virus.
Sinabi ni Dr. Yap na kapag nakakaranas na ng sipon, ubo, at hapo ay agad magpakonsulta sa doktor. Payo rin niya na huwag gamiting pantakip ang kamay kapag umuubo sa halip ay umubo sa balikat.
Matulog rin aniya ng hindi baba sa pitong oras para maging malakas ang resistensya. Mainam rin aniya na gumamit ng mask para makasigurado.
Gayunman nilinaw ng lokal na mambabatas na siya ring chairperson ng Committee on Health, wala pang kumpirmasyon na nakapasok na ang virus sa bansa.
Matatandaan na nitong nakaraang mga araw, kumulat ang balita na may ilang Chinese sa Kalibo International Airport ang isinailalim sa quarintine matapos makitaan ng ilang sintoma ng kinatatakutang SARS-like virus.
Mababatid na daan-daang indibidwal na ang natamaan ng Chinese corona virus, kahalintulad ng SARS, matapos itong magsimula sa Wuhan, China noong Disyembre.
Ayon sa scientist na si Leo Poon na unang nakatuklas ng virus, posible itong nagmula sa mga hayop at napasa sa mga tao.