Aklan News
Kumakalat na post hingil sa 16K na presyo ng hairbraid sa Boracay Island, ‘fake news’


PINABULAANAN ni Jomar Saan a.k.a Mara, lider na Hairbraider Association ang kumakalat na Facebook post hingil sa umano’y overpricing na singgil sa hairbraid sa Boracay Island.
Sa ekslusibong panayam ng Radyo Todo kay Mara, tinawag nitong “fake news” ang nasabing balita.
Aniya, walang overpricing na nagaganap dahil mayroon silang sinusunod na taripa.
Dagdag pa nito, bago pa man isalang ang isang turista o bisita sa hairbraiding ay mayroon muna silang briefing.
Dito aniya ay nagkakasundo ang bisita at braider sa presyo depende sa nais nitong hairbraid na ipagawa.
Giit pa ni Mara, nagkakaiba ang presyo ng hairbraid dahil iba-iba rin ang presyo depende sa liit, linya, kulay at iba pang disenyo na gusto ng kliyente.
“Mayroon po tayong tariff price na sinusunod. Meaning to say, hindi po kami nagkaroon ng overpricing in that kind of situation kasi before po ang bisita [magpa-braid], bini-briefing po ng maayos yan. We clarify about the prices po bago umpisahan ang braid natin. So it means na yung guest at hairbraider ay nagkaka-i intindihan about the price.”
Saad pa nito na hindi madali ang pagsasagawa ng hairbraid dahil hirap, tiyaga, oras at pagod ang kanilang puhunan dito.
Binigyan-diin ni Mara na walang alam sa proseso ng paghairbraid at trabaho ng mga hairbraider ang nagpost sa social media ng naturang isyu.
Iwasan din aniya ang basta na lamang pag-post sa social media ng kung anu-ano dahil ito’y may negatibong epekto sa kanila at kanilang asosasyon.