Aklan News
KWESTIYUNABLENG OPERASYON NG LTO-6 ENFORCEMENT UNIT SA IBAJAY, DAPAT LIWANAGIN NG AHENSYA AYON SA SP AKLAN
Dapat umanong liwanagin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Regional Office-6 at ng Implementing Arm nito na Land Transportation Office o LTO ang kwestyunable nitong operasyon sa bayan ng Ibajay noong February 15, 2022 na inireklamo ng limang transport group sa lalawigan ng Aklan.
Ito ang naging rekomendasyon ng joint committee on Laws, Rules and Ordinances at Committee on Transportation and Communication ng Aklan Sangguniang Panlalawigan na nagsagawa ng legislative inquiry matapos maghain ng pormal na petisyon ang limang transport group sa aklan dahil sa hindi umano tama na pamamaraan ng pagsasagawa ng operasyon laban sa mga kolurum na sasakyan.
Sa nasabing committee report ay ipinagpapaliwanag sa LTFRB at LTO ang tamang protocol sa panghuhuli ng mga kolorum na sasakyan na ang kanilang ginagamit ay unmarked vehicle at hindi ang kanilang opisyal na sasakyan.
Gusto ring liwanagin ng SP kung bakit walang tamang koordinasyon sa pinakamalapit na municipal police station bago at pagkatapos ng nasabing operasyon at kung bakit kinakailangan pang dalhin sa kanilang tanggapan sa lungsod ng Iloilo ang lahat ng apprehended at impounded vehicles mula sa Aklan.
Samantala, ang nasabing Joint Committee Report ay kinatigan ng plenaryo sa kanilang isinagawang 138th Regular Session.