Aklan News
L300 van at refrigerated van nagbanggaan, 2 patay
Dead on arrival sa ospital ang isang pahinante ng refrigerated van habang nasawi rin habang ginagamot sa ospital ang driver ng L300 van matapos itong masangkot sa aksidente nitong madaling-araw ng Linggo sa Crossing Diversion, Brgy. Tigayon, Kalibo.
Napag-alaman na tig-tatlong indibidwal ang sakay ng parehong mga sasakyan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Kalibo PNP na mula sa Kalibo papuntang Banga ang refrigerated van habang mula naman sa direksyon ng New Washington ang L300 van patawid ng Tigayon-Lezo Diversion Road nang mangyari ang aksidente.
Sa kopya ng CCTV sa lugar, kitang-kita ang matulin na pagpapatakbo ng dalawang sasakyan nang sila’y magbanggaan.
Sa lakas ng impact, umikot-ikot pa ang refrigerated van sa lugar bago ito tuluyang natumba habang dumere-deretso naman ang naturang L300 at sumalpok sa pader ng isang gasolinahan.
Naging pahirapan pa ang pag rescue sa mga sakay ng refrigerated van kaya’t kinailangan pang basagin ang wind shield para makuha ang tatlong sakay nito at kaagad isinugod sa ospital ngunit isa sa mga pahinante nito na kinilalang si Anecito Hibanada, 27-anyos ay idineklara ng attending physician na wala nang buhay.
Samantala, dinala rin sa ospital ang mga sakay ng L300 van at habang ginagamot ang driver na si Ron Lidivas residente ng Iloilo City ay kalauna’y binawian rin ng buhay.
Confined parin ngayon sa ospital ang ibang mga sangkot sa naturang aksidente.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan kaugnay sa nangyari.