Aklan News
Lagalag VS Bayangan rambol nagviral matapos magsiliparan ang mga instrumento, 2 naaresto
Viral ngayon sa social media ang nangyaring rambol sa pagitan ng dalawang grupo ng bandang nagsadsad sa bahagi ng XIX Martyrs St. corner C. Laserna St. kung saan nagsiliparan ang mga instrumento dakong alas-8:11 ng gabi nitong Huwebes, ika-apat na araw ng isang linggong selebrasyon ng Ati-atihan Festival.
Batay sa mga kapulisan nagsimula ang rambulan nang inunahan sa sadsad ng grupo ng Bayangan ang Lagalag dahil matagal na silang nakatigil sa iisang lugar pero nauwi ito sa pagkakainitan at hagisan ng mga instrumento.
Mabilis na nagresponde ang mga kapulisan ngunit hindi parin nagpaawat ang mga ito at kalaunan ay nagtakbuhan.
Kaugnay nito, naaresto naman ang dalawang lalaki na kinilalang sina Philip Infante, 19-anyos at miyembro ng Lagalag Band habang ang isa namang naaresto ay si Pjval Nabayra, 29-anyos at nakisadsad lang umano sa grupong Bayangan.
Ayon kay Infante, napansin nalang niya na may away nang nagaganap nang may sumigaw at nagsiliparan na ang mga instrumento ng magkabilang grupo.
Pumunta naman umano siya sa gilid ngunit bumitaw rin siya ng suntok na nakita sa akto ng mga pulis kaya siya hinuli.
Kwento naman ni Nabayra, hindi umano siya miyembro ng grupo ngunit nakisabay lang ito sa pagsadsad nang napansin nito na may gulo nang nangyayari.
Dahil sa kalasingan ay nakisali din siya sa rambol. Aminado pa ito na may bitbit siyang kutsilyo ngunit itinapon niya ito ng siya ay makita ng mga pulis kung kaya’t wala naman itong nasugatan gamit ang kaniyang patalim.
Samantala, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa nangyaring insidente para sa makita ang iba pang sangkot bukod sa dalawang naaresto na nainquest na ngayong umaga sa korte.
Kaugnay nito, naglabas din ng EO si Kalibo Municipal Mayor Juris Sucro na nagsasabing banned na ang dalawang banda na nasangkot sa nasabing gulo.
Continue Reading