Aklan News
LALAKI, ARESTADO SA ‘ILLEGAL LOGGING’
Nakatakdang sampahan ng kaso ngayong umaga ang isang lalaking naaresto alas 3:20 kahapon ng hapon sa Carugdog, Lezo dahil sa ilegal logging.
Nakilala ang naarestong lalaki na si Ulyses Santiago, 43 anyos ng Silacat Nonok, Lezo.
Base sa report ng Lezo PNP, nakatanggap umano sila ng sumbong hinggil sa nagaganap na pagputol ng kahoy ng suspek sa Carugdog, rason na kaagad nilang inimbestigahan.
Pagdating sa lugar, nakita umano ng mga pulis ang 15 piraso ng coco lumber na katatapos lamang lagariin ng suspek.
Kaagad naman siyang hinanapan ng kaukulang dokumento, subali’t napag-alamang paso o expired na ang permit ng kanyang chainsaw, at wala rin umano itong permit mula sa PCA o Philippine Coconut Authority.
Dahil dito, inaresto ng mga pulis ang suspek at pansamantalang ikinustodiya sa Lezo PNP Station para sa karampatang disposisyon, kasama ang mga kinumpiskang kahoy.
Paglabag sa RA 9175 o Chainsaw Act of 2002 at RA 8048 o Coconut Preservation Act ang kasong kakaharapin ng suspek.