Connect with us

Aklan News

Lalaki ginilitan sa leeg sa Tinapuay, Banga

Published

on

Hindi na umano makapagsalita nang isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos gilitan sa leeg sa Brgy. Tinapuay, Banga kaninang madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si Marlou Nama, 25-anyos na residente ng Brgy. Singay, Madalag habang ang suspek naman ay si Rens Montuya, 24-anyos na taga Brgy. Daja Sur, Banga.

Sa paunang imbestigasyon ng Banga PNP, mayroong sayawan sa lugar dahil sa nalalapit na kapistahan.

Sinasabing dakong alas- 12:40 ng madaling-araw ay natapos na ang sayawan at nagsiuwian na ang mga tao pati na ang mga naka-standby na pulis.

Pero pagdating ng alas-2:20 ng madaling araw, habang sakay ng motorsiklo si Nama sa may labas ng covered court ay biglang lumapit ang lasing na si Montuya na parang may binubunot sa tagiliran.

Hindi pa nakakaandar ang sinakyang motorsiklo ng biktima nang bigla itong ginilitan ng suspek sa leeg gamit ang isang kutsilyo.

Malubhang sugat sa leeg ang tinamo ng biktima kaya agad itong dinala sa ospital ng Madalag at kalaunan ay nilipat sa pribadong ospital Kalibo.

Ayon sa ama ng biktima hanggang ngayon ay hindi pa umano nakakapagsalita ang kaniyang anak.

Samantala, nasa kamay na ngayon ng Banga PNP ang suspek matapos mahuli sa mismong bahay nito.