Aklan News
Lalaki, na-scam matapos mag-order ng cellphone online; ₱19,000, natangay


Naloko sa online scam ang isang 33-anyos na lalaki matapos tangayin ng scammer ang halagang ₱19,000 kapalit ng umano’y cellphone na binili niya sa Facebook Marketplace.
Ayon sa salaysay ng biktima, residente ng Veterans Avenue, Barangay Poblacion, Kalibo, nag-umpisa ang transaksyon noong Hunyo 18 nang makipag-ugnayan siya sa isang nagpakilalang Gallenero Elvis, umano’y residente ng Mabalacat, Pampanga.
Inalok ng seller ang isang yunit ng Samsung S25 Ultra na nagkakahalaga ng ₱37,000 sa biktima.
Upang makumbinsi ang biktima, ipinakita pa ng seller ang mga larawan at video na nagpapakita na ipinapadala na ang cellphone sa LBC Express.
Dahil dito, nagtiwala ang biktima at nagpadala ng bayad sa dalawang transaksyon: ₱10,000 at ₱9,000, gamit ang GCash.
Ang naturang GCash account ay nakapangalan umano kay Vien Alain Alino, na ipinakilalang asawa ng suspek.
Subalit matapos maipadala ang pera, napansin ng biktima na peke pala ang tracking link na ibinigay sa kanya.
Kalaunan ay blinock na rin siya ng suspek sa Facebook at tinanggal ang post sa Marketplace.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
Nagsampa na ng reklamo ang biktima sa pulisya bilang babala sa publiko at para sa posibleng legal na aksyon. | Ulat ni Jisrel Nervar