Aklan News
LALAKI, NAHULIHAN NG KUTSILYO SA PEDESTRIAN SCREENING AREA
Kalaboso ang isang lalaki matapos umanong mahulihan ng kutsilyo bandang alas 8:20 kagabi sa Poblacion, Kalibo.
Nakilala ang suspek na si Jonathan Javier, 45 anyos ng Cerrudo, Banga at nagtatrabaho bilang baker o panadero.
Base sa report ng Kalibo PNP, dumaan sa pedestrian screening area ang suspek na nasa kanto ng C.Laserna St., at Regalado St. dala ang kanyang back pack.
Ipinatong din umano niya ito sa lamesa para mainspeksyon, subali’t napansin ng mga pulis doon ang nakausling kutsilyo.
Dahil dito, kaagad kinumpiska ang kutsilyong humigit-kumulang 16 na pulgada ang haba at inaresto ang suspek.
Ayon kay Javier, pinadala lamang sa kanya ang kutsilyo para mapagawan ng hawakan at scabbard o kaluban, subali’t hindi pa niya naibigay sa may-ari dahil hindi pa umano sila nagkikita nito ng mahigit dalawang linggo.
Doon na rin umano niya naalaala sa screening area na dala-dala niya parin ang nasabing kutsilyo, kung kaya’t aminado rin siya sa kanyang pagkakamali.
Kaugnay nito, pansamantalang ikinostodiya ang suspek sa Kalibo PNP Station para sa karampatang disposisyon at mahaharap sa kasong paglabag sa BP 6 (Batas Pambansa bilang 6) o Illegal Possession of bladed weapon.