Aklan News
Lalaki, natagpuang wala nang buhay sa may gilid ng palayan sa Kalibo
Bangkay na nang matagpuan ang isang lalaki sa gilid ng palayang sakop ng Brgy. Tigayon, Kalibo dakong alas-7:00 kaninang umaga.
Kinilala ang biktima na si Rolando “Bong” Medina, 62-anyos na residente ng Brgy. Puis, New Washington at isang construction worker.
Emosyonal na nagpahayag ang asawa ng biktima na kumuha pa umano ito ng sweldo kahapon at nagdala pa ng bigas pauwi.
Sinasabing, nakita pa ng anak nito ang biktima dakong alas-5:00 kahapon ng hapon bago tumungo sa Sitio Talisay para makipag-inuman sa kaniyang mga kabarkada sakay ng kaniyang bisekleta.
Samantala, kaninang umaga ay natagpuan nalang itong nakadapa na sa may gilid ng palayan katabi ang kaniyang bisekleta at wala nang buhay.
Ayon naman sa nakainuman nito kagabi, pinigilan pa nila si Bong sa pag-uwi dahil lasing na ngunit nagpumilit parin umano ito.
Nakitaan ng sugat at dugo sa mukha ang biktima kaya inaalam pa ng pulisya kung ano ang sanhi nito.
Nagpapatuloy pa sa ngayon ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa nangyari.