Aklan News
Lalaki, patay matapos saksakin
Boracay- Patay ang isang lalaki matapos saksakin alas 4:48 kaninang madaling araw sa Brgy. Balabag, Boracay.
Nakilala ang biktima na si Jude Vallen Malijan Castillo, 24 anyos residente ng New Washington at kasalukuyang nakatira sa Talipapa Bukid Sitio Manggayad, Brgy. Manocmanoc, Boracay.
Samantala nakilala naman ang suspek na si Henry Ledesma Roberto, 20 anyos, residente ng Culasi, Antique, at kasalukuyang nakatira sa nasabing lugar.
Base sa salaysay ni Gerald Telic kaibigan ng biktima habang sila’y nag-iinuman sa isang bar may isang grupo din na nag-iinuman sa kabilang mesa.
Maya-maya lumabas umano ang ilan sa kabilang grupo at nag-bitaw ng katagang “akala ko ba may titirahin tayong isa” habang dumadaan malapit sa kanilang mesa.
Dagdag pa ni Telic hindi nila alam na may dalang kutsilyo ang mga ito kaya’t lumabas siya at nakipag usap sa kakilalang napadaan sa lugar at naiwan ang biktima sa loob.
Hindi nya umano nakita ang mga pangyayari sa loob ng bar at ang naabutan niya pagpasok ay duguan na ang biktima.
Hindi na nya umano inalintana ang mga suspek, dahil inuna nyang dalhin si Castillo sa ospital.
Agad umano nyang binalikan ang mga suspek sa pinangyarihan ng insidente sa pag-asang maabutan nya ito.
Nakita na niya umanong naglalakad sa lugar ang tatlong lalaki at isang babae na nakilala nya na ito ang mga suspek dahil sa damit na sout.
Kumuha umano sya ng dos por dos na kahoy para pang self-defense kung sakali mang manlaban ang mga supek ngunit hinampas nya umano ng kahoy sa ulo ang inakala niyang sumaksak kay Castillo para hindi na ito maka-takbo at ipinagbilin nya sa isang gwardya na tumawag ng pulis bago bumalik sa ospital.
Hindi rin sigurado si Telic kung ang napalo nya ang siyang sumaksak kay Castillo subalit sigurado siyang kasama si Roberto sa grupong nakasaksak sa biktima.
Tama ng pananaksak sa tiyan ang ikinamatay ng biktima.
Nasa kustodiya na ngayon ng Malay Pnp ang sinasabing suspek habang patuloy pa ang isinasagawang manhunt operation sa iba pang kasamahan nito.
Sa nakuhang impormasyon ng Radyo Todo, itinanggi ng tinuturong suspek na si Roberto na hindi siya ang nakasaksak kay Castillo.