Aklan News
LALAKI, TIKLO SA PAGTITINDA NG GASOLINA SA BOTE
Madalag-Sasampahan ngayong umaga ng kasong paglabag sa PD 1865 (Illegal Selling of Petroleum Products) ang isang lalaki matapos umanong maaktuhan na nagbibenta ng gasolina sa bote kahapon sa Balactasan, Madalag.
Bagama’t hindi na pinangalanan ng Madalag PNP ang 53 anyos na lalaki, sinasabing pasado alas 3:00 kahapon ng hapon nang isurveillance umano ito ng mga pulis na naka civilian matapos matanggap ang sumbong hinggil sa pagtitinda nito ng gasolina.
Hindi naman nabigo ang mga pulis dahil bandang alas 5:00 din kahapon ng hapon nang makita umano nila ang suspek na may pinagbentahan ito ng nakaboteng gasolina.
Kasunod nito, kaagad kumilos ang mga nasabing pulis at bumili din ng gasolina sa halagang P200.00.
Nang i-abot na umano ng suspek ang 1½(isa’t kalahati) litro ng gasolina, doon na rin umano nagpakilala ang mga pulis at kaagad itong inaresto.
Maliban dito, narekober din mula sa tindahan ng suspek ang 2 walang lamang mga container na pinaglagyan din umano nito ng gasolina.
Ayon pa sa Madalag PNP, aminado naman ang suspek sa kanyang paglabag, subali’t sinabi umano nito na naawa lamang siya sa naunang bumili ng gasolina sa kanya, dahilan upang pagbigyan umano niya ito.