Aklan News
Lalaki tinaga, magbayaw na suspek arestado
Nabas – Sugatan ang isang lalaki matapos umanong tagain pasado alas 11:00 kagabi sa Habana, Nabas.
Nakilala ang biktimang si Engelor Española, 26 anyos, habang arestado naman ang magbayaw na mga suspek na sina Julius Tingne, 44 anyos, at Rafael Aguirre, 46 anyos, lahat residente ng nasabing lugar.
Base sa imbestigasyon ng Nabas PNP, dumating umano ang mga lasing na suspek sa isang lamay doon at pupusta sana sa larong Pusoy (bahig).
Sinasabing nabalasa na umano ang baraha, subalit iginiit parin umano ng dalawa ang kanilang pusta, rason na nagkaroon ng sagutan at komosyon.
Kasunod nito, bumunot umano ng patalim si Aguirre, rason na umawat ang biktima. Naayos naman umano noon ang gulo, hanggang sa umuwi na ang dalawa.
Ilang sandali pa, bumili umano ng alak sa isang tindahan ang biktima, ngunit sinasabing inabangan pala ito ng mga suspek na may mga dalang itak.
Base pa sa imbestigasyon, unang tinaga ng suspek na si Aguirre ang biktima na tinamaan sa kaliwang paa nito, matapos hindi tumama ang una niyang pagtaga sa nakatalikod na biktima.
Bagama’t sugatan, nagawa pa umano nitong tumakbo, na hinabol naman at tatagain din sana ni Tingne, ngunit tumigil lamang ito nang makitang babatuhin na siya ng kasama ng biktima.
Kaagad dinala sa Ibajay Hospital si Española, habang naaresto naman sa kanilang bahay ang mga suspek.
Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng Nabas PNP Station para sa karampatang disposisyon, habang hindi na narekober pa ang kanilang mga itak.