Aklan News
Lalaki tinaga sa ulo at mukha ng kanyang kuya sa bayan ng Libacao
Tatlong malalaking sugat sa mukha at ulo ang tinamo ng isang lalaki matapos tagain ng kanyang kuya sa barangay Guadalupe, Libacao, Aklan.
Kinilala ang biktima na si Ruel Zaballero, 39-anyos habang ang suspek naman ay si Fred Zaballero, 42-anyos at pawang resident eng naturang lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Libacao PNP, pauwi na mula sa inuman ang biktimang si Ruel at nadaanan nito ang bahay ni Daryl kung saan may nag-iinuman.
Naroon umano ang kanyang kuya na si Fred at iba pa nitong kasamahan.
Sinabihan umano ng nakababatang Zaballero ang kanyang kuya at tatlo pang kasamahan nito na itigil na ang pag-iinuman dahil gabi na at maingay sila.
Pagkatapos nito ay tumuloy na siya sa paglalakad upang umuwi na sa kanila.
Makalipas umano ang ilang minuto ay nakita ng biktima ang apat na lumabas at maingay pa rin.
Dahil dito ay minabuti niyang mag-report sa kanilang punong barangay dahil nababahala siya na baka batuhin ng mga ito ang kanyang bahay subalit pagdaating niya sa tinutuluyan ni kapitan ay walang tao kung kaya’t umuwi na lamang ito.
Ngunit nakasalubong nito ang kanyang kuya at mga kasamahan nito kung saan nagkaroon umano sila ng mainit na pagtatalo hanggang sa humantong sa pananaga sa biktima.
Iginigiit umano ng biktima na pinagtulungan siyang bugbugin at tagain ng mga suspek.
Sa kabutihang palad, nakalayo umano siya sa mga suspek at nakarating sa bahay ni Daryl at nagpasaklolo.
Kaagad namang dinala sa ospital ang biktima at nagpapagaling na sa ngayon.
Samantala, patuloy pang tinutugis ng mga kapulisan ang itinuturong mga suspek sa krimen.