Aklan News
LALAKING HINULI DAHIL SA PAGLABAG SA CURFEW, NAHULIHAN NG PALTIK NA SHOT GUN
Makato – Arestado ang isang lalaking nahuli dahil sa paglabag sa curfew matapos mahulihan ng paltik o home made shotgun sa Calimbajan, Makato.
Nakilala ang suspek na si Harish Taladtad, 27 anyos, tubong Poblacion, Makato at kasalukuyang nakatira sa Sitio Tinigban, Tina, Makato.
Base sa report ng Makato PNP, mismong si Calimbajan Barangay Chairman Eleynel Gallardo ang tumawag ng pulis ala 1:30 kaninang madaling araw nang makita umano nito sa likod ng kanyang bahay ang suspek.
Kaagad dumating ang mga pulis para hulihin ang suspek dahil sa paglabag nito sa curfew, subalit napansin ng isang pulis ang isang tubong tinalian ng rubber band na nakausli sa kanyang bag.
Kaagad umano nila itong beniripika at doon nalaman na isa pala itong home made shot gun, rason na kaagad itong kinumpiska kasama ang isang bala nito.
Maliban dito, narekober din sa bag ng suspek ang isang karit.
Kaagd siyang dinala sa presento ng Makato PNP Station para sa karampatang disposisyon.
Kasong paglabag sa Omnibus Election Code (BP 881 as amended by RA 7166 in relation to COMELEC Resolution No.10728) ang kasong kakaharapin ng nasabing suspek.