Aklan News
LALAKING MAY PROBLEMA SA PAG-IISIP NALUNOD SA ILOG, PATAY


Tangalan – Patay na nang matagpuan matapos malunod sa ilog sa Afga, Tangalan ang isang lalaking may problema umano sa pag-iisip.
Hindi na pinangalanan ng Tangalan PNP ang biktima na nasa legal na edad, binata, at residente ng Poblacion, Tangalan.
Base sa imbestigasyon ng Tangalan PNP, narinig umano ni Joyma Aguelo, residenteng malapit sa ilog, na bandang ala 1:00 kaninang madaling araw nang may sumisigaw na tila nalulunod doon.
Lumabas umano ito at inilawan ng flashlight, subalit kaagad ding bumalik sa loob ng kanilang bahay dahil sa takot, nang wala naman umano itong nakita.
Kasunod pa nito, bandang alas 11:25 naman kaninang tanghali nang maitawag sa Tangalan PNP ni Sony Surban, live-in partner ni Joyma, matapos matagpuang lumulutang na sa ilog ang wala nang buhay na biktima.
Samantala, naniniwala naman ang pamilya ng biktima na walang ‘foul play’ sa kanyang pagkamatay.
Nabatid pa sa imbestigasyon ng Tangalan PNP sa pamilya na may problema sa pag-iisip ang biktima at kung saan-saan lang ito pumupunta.