Connect with us

Aklan News

Lalaking nag-amok at nanuntok, nagpahabol pa sa mga pulis mula F. Quimpo St. hanggang crossing Buswang

Published

on

Hinabol ng mga kapulisan ang mga lalaking sakay ng tricycle mula sa may City Mall hanggang Crossing Buswang matapos na mag-amok at manuntok ang isa sa mga ito dakong alas- 7:30 nitong Biyernes sa may F. Quimpo Street, Kalibo.

Batay sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, nakaparada umano sa harap ng FUS merchandise ang kotseng minamaneho ni Lawrence Lester Torres, 21-anyos ng Brgy. Dumga, Makato at naghihintay sa kaniyang sinusundo na si Vincent Gallo nang biglang may kumatok ng malakas sa kaniyang bintana at pinalalabas siya.

Paglabas ni Torres ay bigla na lang siyang sinuntok ng isang sakay ng tricycle na kinilalang si Walter Esmeralda, 37-anyos residente ng Crossing Buswang, Pob. Kalibo na napag-alaman na nasa ilalim ng impluwensya ng alak.

Umawat naman si Gallo nang makita ang dalawa pero pinaulanan din siya ng suntok ni Esmeralda.

Napag-alaman na nag-amok pa si Esmeralda at hinabol pa ang ibang mga tao na nasa lugar habang may bitbit na kutsilyo.

Nagresponde sa gulo ang Kalibo PNP at Kalibo Auxiliary Police pero nagpahabol pa ang suspek na sumakay ulit ng tricycle mula sa F. Quimpo St. hanggang Crossing Buswang.

Dito na naaresto si Esmeralda at ang kasama nitong si Sammy Maribojo, 22-anyos na nakainom rin.

Sa ngayon, nakakulong ang dalawang mga naaresto sa Kalibo Municipal Police Station para sa karampatang disposisyon.