Aklan News
Lalaking naholdap daw, kulong dahil sa pagsisinungaling
KULUNGAN ang bagsak ng isang lalaki matapos na gastusin ang pera na benta ng E-bike sa Old Buswang,Kalibo nitong Sabado.
Kinilala ang lalaki na si Darwin Lerio, 26-anyos atresidente ng Bubog, Numancia.
Pasado alas-3:50 ng dumulog ito sa istasyon ng pulisya at nag-ulat na naholdap umano siya ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa Old Buswang, Kalibo.
Ayon pa kay Lerio, hinatid niya umano ang isang unit ng e-bike sa Perazville Subdivision.
Ibinigay naman umano sa kaniya ang bayad na nasa P51,000.
Habang naglalakad, linapitan umano siya ng dalawang lalaki na sakay ng mototsiklo at inusisa kung nasaan ang kanyang koleksiyon.
Agad niya umano binigay ang pera sa dalawa.
Samantala agad namang tinungo ng mga pulis ang nasabing lugar kung saan ito na hold-up.
Nang tingnan ang mga CCTV, nadiskubre na wala namang nangyaring hold-up sa sinabing lugar ni Lerio.
Dahil dito, dinala ng mga kapulisan si Lerio sa PNP station at dito na siya umamin na ginastos niya ang pera at ibinayad niya sa kaniyang online loan na aabot sa P74,000.
Aniya pa, nasa P30,000 lamang umano ang kaniyang loan ngunit dahil sa laki ng interes ay umabot ito sa P74,000.
Sa ngayon ay nahaharap sa kasong estafa by means of unfaithfulness/Abuse of Confidence si Lerio.