Aklan News
LALAKING NAHULOG UMANO SA TULAY SA TAGAROROC, NABAS, PINAGHAHANAP PA
Patuloy pa ang search and retrieval operations ng Philippine Coast Guard, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, Bureau of Fire Protection-Nabas, at mga Brgy. Officials sa isang lalaking nawawala matapos pinaniniwalaang nahulog sa tulay sa Barangay Tagororoc, Nabas.
Kinilala ang biktimang si Michael Francisco, 38 anyos na residente ng nasabing barangay.
Ayon kay PCpl Andrew Andrade ng Nabas PNP, nangyari ang insidente nitong Sabado, Oktubre 30 ng hatinggabi habang pauwi ang biktima kasama ng kanyang kapatid na si Anecito Francisco matapos silang mag-inuman.
Subalit habang papalakad sa tulay ay napansin nalang ni Anecito na nahulog sa tulay ang kanyang kapatid dala ng kalasingan.
Mabilis rin itong tumalon sa ilog para hanapin ang kapatid, tumagal ng hanggang 30 minuto ang kanyang paghahanap pero hindi niya ito natagpuan dahil sa madilim na rin ang lugar.
Inakala rin daw nito na pinaglalaruan o pinagtataguan lang siya ng biktima kaya umuwi na lang ito at natulog sa kanilang bahay.
Umaga na nang malaman nitong hindi pa rin nakakauwi ang kanyang kapatid kaya humingi na sila ng tulong sa mga otoridad.
Pinaniniwalaang inanod ang biktima dahil sa baha na dulot ng malakas na ulan noong madaling araw ng Linggo.