Connect with us

Aklan News

LALAKING UMANO’Y MAY PROBLEMA SA PAG-IISIP, NABARIL NG PULIS

Published

on

Banga – Sugatan ang isang lalaki matapos umanong barilin ng pulis bandang alas 8:00 kaninang umaga sa Mambog, Banga.

Base sa report ng Banga PNP, nagtamo ng sugat sa kanang dibdib ang biktimang si Gerald Zonio, 38 anyos ng nasabing lugar, habang nasa kustodiya naman ngayon ng Banga PNP ang suspek na si PSSgt. Ronald De Tomas, 34 anyos ng Linabuan Sur, Banga, at kasalukuyang miyembro ng Aklan PPO Explosive Unit.

Base sa imbestigasyon ng Banga PNP, dumating si De Tomas kasama ang kanyang asawa sa bahay ng biktima sakay ng kanilang traysikel para ipaayos ang na flat nitong gulong. Habang inaayos umano ng biktima ang nasabing gulong nang mapansin ng suspek na tila galit na nagbubulong ang biktima.

At nang sinusuri ng suspek ang brake nang kanyang traysikel lalo umanong nagalit ang biktima.

Doon na nagpakilalang pulis si De Tomas at pinakalma ang biktima, subalit kumuha umano ito ng kawayan at hinampas ang suspek na suwerte namang nakailag.

Hindi pa umano nakontento ang biktima at kumuha pa ng tubo at bakal saka hinabol ang pulis, kung kaya’t doon na umano ito binunutan ng baril at pinaputukan.

Kaagad naman itong dinala sa ospital habang sumuko naman sa mga rumespondeng pulis si De Tomas.

Nalaman sa imbestigasyon na may sakit umano na schizophrenia (sakit sa pag-iisip) ang biktima, ayon mismo sa kanyang ina.

Nagpapatuloy naman ang negosasyon ng magkabilang panig kaugnay sa nangyaring insidente, habang tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pulis kaugnay dito.