Connect with us

Aklan News

LALAKING WANTED SA KASONG PAGNANAKAW NG MOTORSIKLO, ARESTADO

Published

on

Arestado bandang alas 10:00 kaninang umaga sa Poblacion, Makato ang isang lalaking wanted sa kasong pagnanakaw ng motorsiklo.

Kinilala ng Makato PNP ang naarestong si Francis Taglay, 27 anyos ng Tugas, Makato.

Base sa report ng Makato PNP, naispatan kanina ang akusado sa Barangay Poblacion, rason na kaagad siyang pinuntahan ng mga pulis.

Kaagad ding siyang sinilbihan ng kanyang warrant of arrest na may Criminal Case No. 15723 na ibinaba kahapon lamang, February 24, ni Hon.Jemena Abellar Arbis, Presiding Judge, RTC 6, Branch 6.

Kasalukuyan siyang nasa kostodiya ng Makato PNP Station para sa karampatang disposisyon, at makakalaya pansamantala kapag may P200,000.00 na pangpiyansa.

Samantala, nang makapanayam ng Radyo Todo, aminado naman si Taglay sa kanyang krimen, na nagawa niya noong nakaraang taon.

Sinabi pa niya na lasing lamang siya noon, kung saan sinubukan umano niyang paandarin ang motorsiklo ng mismong kapitbahay, gamit ang napulot umano niyang susi.

Kasunod nito, hinatid umano niya ang kanyang barkada, subali’t hindi na nakayanang magmaneho pauwi, rason na iniwan naman niya ang motorsiklo sa isa pa niyang barkada. Sinabi pa ni Taglay na ibabalik naman umano sana niya ang motorsiklo, subali’t naimpound pala ito sa Kalibo PNP matapos maharang sa checkpoint dahil sa isang paglabag sa municipal ordinance.

Doon narin umano nalaman ni Taglay na ginamit pala ng isa pa nilang barkada ang motorsiklo.

Samantala, matapos magreport sa Makato PNP ng may-ari ng motorsiklo, kaagad naman silang nakipag-ugnayan sa iba pang police stations at doon nila ito kinuha sa kostodiya ng Kalibo PNP.

Gagamitin naman itong ebidensya laban sa naarestong si Taglay.