Aklan News
Lalawigan ng Aklan, naghahanda na sa banta ng dengue outbreak


PINAALALAHANAN ngayon ang lahat ng lokal na pamahalaan na maging handa sa posibleng banta ng dengue outbreak sa lalawigan ng Aklan.
Ito ay dahil sa biglang pagsirit ng kaso ng dengue kung saan batay sa tala ng Aklan Provincial Health Office mayroon ng kabuuang 275 dengue cases sa lalawigan.
Sa nasabing bilang, dalawa na ang naitalang namatay.
Samantala, nangunguna naman ang bayan ng Ibajay sa may pinakamataas na dengue cases na mayroong 61, sinundan ng Nabas na may 52 cases, Kalibo na may 35 cases, Malay na may 33 cases at Buruanga na may 15.
Dahil dito, kaagad nagsagawa ng emergency meeting via zoom ang Provincial Inter-Agency Task Force nitong Hulyo 18.
Pinangunahan ni Gov. Jose Enrique Miraflores ang nasabing meeting na dinaluhan ng mga Municipal Mayors, Health Officers at iba pang health partners.
Ayon kay Dr. Leslie Ann Sedillo, Provincial Health Officer II na ang mga batang edad 1-10 ang kadalasang nagkakasakit ng dengue.
Maaari naman aniya itong masugpo sa pamamagitan ng pagpapaigting ng 4S strategies: (1) search and destroy the breeding places of mosquitoes, (2) seek early consultations whenever there are individuals experiencing high grade fever 2 days or more, (3) Self-protective measures such wearing of long sleeves and application of insect repellants and (4) Say Yes to Fogging in areas with dengue outbreak.
Hinikayat din ni Dr. Sedillo ang mga LGU na magsagawa ng clean-up drives sa kanilang mga barangay, magtakda ng hydration units sa mga LGU, siguraduhin ang availability ng mga medical supplies gaya ng IV sets, fluids, blood tests at dengue test kits.
Kaugnay nito, maglalabas din si Governor Miraflores ng executive order/policy guidelines upang matiyak na magpapatupad ang mga LGU ng mga mahahalagang aksyon upang mapigil ang pagdami ng kaso ng dengue sa lalawigan.