Aklan News
LASING NA DUMALO SA ISANG CHRISTMAS PARTY, ARESTADO MATAPOS MAHULIHAN NG BARIL


Arestado ang isang lasing matapos umanong mahulihan ng baril sa dinaluhang Christmas Party sa Feliciano, Balete. Nakilala ang suspek na si Sherio Gervacio, 39 anyos ng Pampango, Libacao.
Base sa report ng Balete PNP, maya’t-maya umanong ipinapakita ng suspek ang baril nito sa kanyang sling bag sa mga residente at bisita doon, rason na isinumbong ito sa mga pulis.
Kaagad namang rumesponde ang taga Balete PNP sa lugar at doon mahinahong kinausap na buksan ang kanyang sling bag.
Hindi naman umano pumalag si Gervacio at kusa niyang binuksan ang sling bag kung kaya’t nakita ng mga pulis ang kanyang kalibre .45 baril.
Kasunod nito, hinanapan si Gervacio ng kaukulang dokumento sa kanyang baril, subali’t wala umano itong maipakita, rason na kaagad itong inaresto.
Maliban sa baril, narekober din mula sa kanyang sling bag ang 2 magazine at 6 na bala ng calibre .45 na lahat nasa kostodiya ngayon ng Balete PNP Station habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na isasampa laban sa kanya.