Aklan News
LGU-KALIBO PLANONG MAGKAROON NG SARILING ANIMAL BITE TREATMENT CENTER; INDIGENT KALIBONHON HANGAD NA MABIGYAN NG LIBRENG ANTI-RABIES VACCINE
Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo na magkaroon ng sariling Animal Bite Treatment Center.
Ayon kay Sangguniang Bayan member Matt Aaron Guzman layunin nitong mabigyan ng libreng anti-rabies vaccine ang mga indigent na Kalibonhon.
Aniya napansin niya na marami ang mga pet lover o dog and cat enthusiast sa bayan ng Kalibo ngunit nagiging problema para sa kanila kapag aksidenting nakagat ng kanilang mga alaga.
Tanging ang Provincial Health Office o PHO ang kanilang tinatakbuhan subalit sa maraming pagkakataon ay hindi rin ito kaagad mabigyan-pansin dahil sa dami ng pasyente.
Dahil dito ay napagtanto niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling Animal Bite Treatment Center sa bayan ng Kalibo upang hindi na mahirapan ang mga Kalibonhon at sila’y kaagad na mabigyan ng paunang lunas sakaling makagat ng mga alagang aso at pusa.
Dagdag pa ni Guzman na ang bakunang anti-rabies ay may kamahalan kaya’t ninanais nilang bigyang prayoridad ang mga indigent na Kalibonhon upang hindi na sila mahirapan pa sa oras na emergency.
Kaugnay nito, temporaryo muna nila itong ilalagay sa Municipal Health Office at magsasanay sila ng ilang mga health officer para sa implementasyon nito.
Samantala positibo naman ang konsehal na sa susunod na taon ay mabibigyan na nila ng serbisyo ang mga Kalibonhon, lalo na ang mga mahihirap na walang kakayahang bumili ng nasabing bakuna.