Aklan News
LIBRENG SAKAY NG LTFRB, SERBISYO O PERWISYO?
Malaking tulong sa mga frontliners lalo na sa mga healthcare workers at Authorized Person Outside the Residence (APOR), ang Libreng Sakay Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Pero perwisyo naman ang dulot nito sa mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUV) at Public Utility Jeepneys (PUJ) sa Aklan.
Ilan kasi sa mga ito ngayon ay nagrereklamo dahil sa nawawalan raw sila ng pasahero dahil sa programang ito ng LTFRB.
Giit ng mga namamasadang drayber ay halos wala na sila ng pasahero at naaapektuhan ang kanilang paghahanapbuhay dahil pati ang mga hindi frontliners ay pinapasakay ng mga units na nasa ilalim ng Gross Service contracting ng LTFRB.
Ayon naman kay Engr. Venus Deanon, LTFRB 6 Project Evaluation Officer, nagsimula na ang second phase ng Service Contracting Program noong Setyembre 16 matapos mabigyan ng dagdag na P3 bilyong pondo ang proyekto.
Kung dati ay hinahanapan pa aniya ng ID ang isang pasahero bilang patunay na isa itong APOR, ngayon ay nagpapasakay na sila ng pasahero may ID man o wala dahil hindi naman aniya makalalabas ng bahay ang isang tao kung hindi otorisado.
Paliwanag pa niya, nilimitahan nila sa 50% ang loading capacity ng Libreng Sakay para hindi maubusan ng pasahero ang mga namamasadang tsuper.
“Before sina dapat may ID gid, ugaling sa sitwasyon subong, kalabanan sa nagaguwa ang ginakabig nga APOR gani pasakyon sila basta 50% lang ang loading capacity sang units. So amo na ang natabo subong,” ani Deanon sa panayam ng Radyo Todo.
Dagdag na pahayag, “Atleast 50% sang loading capacity na ang ipasahero nila, pasakyon nila, regardless man kun may ID sya o wala, kay te gina-consider ta naman sila usually nga APOR.”
Para masiguro na hindi mauubusan ng pasahero ang mga regular na bimubiyaheng tsuper ay nilimitahan rin ng LTFRB ang oras na inilalagi ng mga unit sa terminal.
“Ang mga free rides ta, waay na sila gatiner gid sa mga terminal para malikawan nga maubusan sang pasahero ang mga pampasahero nga mga salakyan,” giit niya.
Dito sa Aklan, sampung bus units ang nasa ilalim ng Service Contracting Program para sa mga healthcare workers na may limang ruta habang may sampung units ng bus din para sa mga APOR naman ay mayroong mga ruta na Iloilo to Kalibo, Caticlan at Buruanga.
Magtatagal umano ang naturang programa hanggang sa maubos ang P3 bilyong pisong ipinondo para dito.
Batay sa datos ng DOTr, nasa mahigit 31 milyong Pilipino ang nakabenepisyo sa Libreng Sakay Program ng ahensya sa unang phase nito, samantala nasa P1.5 bilyon naman ang kabuuang pay-out sa mga operators at draybers.