Connect with us

Aklan News

Lola nabudol ng nagpakilalang kaibigan ng kaniyang anak; alahas, cash at atm card natangay

Published

on

Tatlong 18 karat gold na singsing, isang kwintas, pera at isang ATM card ang natangay ng tatlong mga budol-budol mula sa isang senior citizen sa Kalibo nitong Sabado.
Batay sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, habang nasa Archbishop Reyes St. ang 79-anyos na lola ay may biglang lumapit rito at nagpakilalang si Rose Gonzalez na umano’y kaibigan ng isa sa kaniyang mga anak.
Inaya umano ni Gonzales ang biktimang pumasok sa kaniyang kotse para bigyan ito ng sapatos.
Habang nasa loob umano ng sasakyan kasama si Gonzales at ang lalaking driver ay dumating pa ang isang babae na nagpakilala namang si Ms. Lim.
Nagtanong umano ito kung saan siya pwedeng makabili ng fire extinguisher.
Ngunit habang humahaba umano ang kanilang usapan ay hindi na nito namalayan na unti-unti na pala itong kinukumbinsi na hubarin ang kaniyang mga alahas.
Una umano nitong hinubad ang tatlong 18 karat gold na singsing na nagkakahalaga ng P15,000 at isang kwintas na 18karat gold din na nagkakahalaga naman ng P20,000 tsaka isinilid sa isang pink na bag.
Nakuha rin sa biktima ang cash nitong aabot sa P10,500 pati ang ATM Card na may kasamang pin number na nakalagay sa isang wallet na isinilid rin sa nasabing bag.
Ibinigay din umano ang naturang bag sa lolang biktima ngunit inabisuhan itong doon nalang buksan pagdating sa kaniyang bahay na sinunod naman ng matanda.
Ngunit nang buksan niya umano ito ay puru papel nalang ang laman ng naturang bag at wala na ang kaniyang alahas, pera at ATM card.
Agad itong ine-report sa mga kapulisan ngunit hanggang ngayon ay blangko parin sila sa tunay na pagkakakilanlan ng mga suspek at kung saan ang mga ito tumungo pagkatapos ng insidente. | via Rhealyn Ortega