Aklan News
Lolo na rider ng motorsiklo,patay matapos mabangga ng truck na may kargang manok; kanyang asawa sugatan
Dead-on-arrival sa ospital ang isang lolong rider ng motorsiklo, habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos mabangga ng truck na may mga kargang manok ala 1:20 nitong hapon sa highway ng Feliciano, Balete.
Nakilala ang biktimang rider na si Nelito David, 66 anyos, at ang kanyang asawang si Elsa David, kapwa residente ng Sitio Suruagan, Calizo, Balete.
Samantala, nakilala naman ang driver ng truck na si Rodney Galvez, 25 anyos ng Talongadian, Sta.Barbara, Iloilo.
Base sa imbestigasyon ng Balete PNP, binabaybay ng mag-asawa ang highway ng Barangay Feliciano papuntang Balete proper nang mabangga ng nasabing truck na galing Iloilo papuntang Kalibo.
Nag-overshoot umano ang truck at umagaw sa linya ng motorsiklo ng mga biktima, rason ng nasabing banggaan.
Dahil dito, sumemplang ang motorsiklo dahilan ng mga tinamong sugat at pinsala sa katawan ng mga biktima, na ikinamatay ni Nelito.
Pansamantala namang nasa kustodiya ng Balete PNP Station ang driver ng truck para sa karampatang disposisyon.