Aklan News
LTO-6, naglabas ng show cause order sa driver ng toyota wigo na nasangkot sa magkasunod na aksidente sa Banga


NAGLABAS ng Show Cause Order ang LTO Region VI laban sa 45-anyos na negosyante matapos masangkot sa dalawang magkasunod na banggaan sa Barangay Jumarap at Linabuan Sur, Banga, noong Mayo 29, 2025.
Ang show cause order na inihain ay pirmado ni LTO-6 Director Atty. Gaudioso Geduspan II ay base sa Section 48 ng RA 4136 (reckless driving).
Pinagpapaliwanag ngayon ang driver sa loob ng 10 araw kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanyang lisensya, rehistro, at iba pang pribilehiyo.
Binigyang-diin nina ARDO Jeck Conlu at Engr. Marlon Velez ng LTO Kalibo na may mabigat na parusa sa mga lasing na drayber at patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng batas.
Kung matatandaan sinalpok ng Toyota Wigo na minamaneho ng lasing na driver ang isang 57-anyos sa pedestrian lane malapit sa gas station na bahagi ng Jumarap, Banga noong Mayo 29.
Tumakas ito patungong Kalibo, dahilan para habulin ng Banga PNP.
Makalipas ang isang kilometro sa Barangay Linabuan Sur, bumangga ito sa isang sedan at pagkatapos ay tumama sa motorsiklo na nasa likuran.
Ilang katao, kabilang ang mga drayber at pasahero ang nasugatan at dinala sa ospital.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring insidente. | Ulat ni Jisrel Nervar