Aklan News
LTO Aklan, aminado sa nangyayaring dayaan sa pagkuha ng Theoretical Driving Certificate para sa mga aplikante ng student permit
Inamin ni Land Transportation Office (LTO) Aklan Chief Marlon Velez na may nangyayaring dayaan sa pagkuha ng theoretical driving certificate (TDC) sa mga bagong aplikante ng student permit.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Velez, sinabi niya na isa ang TDC sa mga requirements na hinahanap sa mga aplikante na gustong kumuha ng LTO student permit.
Ang TDC ay pwede makuha ng libre sa LTO o sa mga pribadong driving school sa Aklan.
Mayroong limang private driving schools sa Aklan na nagbibigay ng TDC, tatlo sa Kalibo at tig isa naman sa Caticlan at Ibajay.
Ayon kay Velez, isang driving school sa Aklan ang sinuspende ng Regional Office nitong nakaraang limang buwan dahil sa nadiskubreng dayaan.
Paliwanag ni Velez, hindi nila kayang isa-isahin na i-check kung talagang nakumpleto ng isang TDC holder ang 15 oras na training o seminar pero maaari itong i-audit.
Kaya naman, mungkahi niya sa Regional Office na dagdagan ang mga personnel na magmomonitor sa mga private driving school para maging consistent ang pag-audit at masiguro na walang dayaang nangyayari.