Aklan News
LTO-AKLAN WALA PANG PORMAL NA REKLAMONG NATATANGGAP TUNGKOL SA DRIVER’S LICENSE PROCESSING ASSISTANCE SCAM
Wala pang pormal na reklamong natatanggap ang Land Transportation Office o LTO Aklan kasunod ng nangyari sa 13 indibidwal na nabiktima ng Driver’s License Processing Assistance Scam.
Sa panayam ng Radyo Todo kay LTO–Aklan Chief Engr. Marlon Velez sinabi nitong nabalitaan niya ang nasabing isyu sa social media particular sa Facebook ngunit wala pa umanong personalidad ang nagpunta sa kanilang opisina upang magreklamo.
Aniya nangyari ang pambibiktima sa online at maituturing na cyber crime.
Mariing pinabulaanan din ni Velez na may empleyado o miyembro ng LTO ang sangkot sa nasabing insidente.
Kaugnay nito ay nanawagan ang hepe ng LTO Aklan na kung maaari ay magpunta sa kanilang opisina ang naturang mga biktima upang mabigyan nila ng kaukulang aksyon.
Pahayag pa nito na mahirap ma-trace ang ganitong mga pangyayari dahil sa online lamang ang naging transaksyon.
Ngunit mayroon umano silang team sa LTO Regional Office na siyang humahawak sa mga kasong may kinalaman sa cyber fixing.
Dagdag pa nito na mayroon silang mga isinasagawang entrapments upang mahuli ang mga gumagawa ng ganitong modus.
Katunayaan ayon kay Velez ay mayroon ng 12 personalidad ang kanilang nakasuhan at ang iba ay nakulong na dahil sa naturang cyber fixing.
Kung matatandaan, isang estudyante ang dumulog sa Kalibo Municipal Station matapos mabiktima kasama ang 12 pang kaibigan nito ng driver’s license processing assistance scam sa Facebook kung saan natangay sa mga ito ang halos P80,000 pesos.