Connect with us

Aklan News

LTO at HPG maglilibot at titiketan ang mga motoristang ginagawang parking area ang bike lane

Published

on

File Photo: Diadem Kee/Radyo Todo Aklan

SIMULA sa susunod na Linggo, maglilibot na ang mga miyembro ng Land Transportation Office (LTO) Aklan at Highway Patrol Group (HPG) Aklan at titiketan ang mga motoristang ginagawang parking area ang bike lane sa bayan ng Kalibo.

Ito ang pahayag ni LTO Aklan Chief Engr. Marlon Velez sa panayam ng Radyo Todo.

Ayon kay Velez, kahit wala pa ang bike lane sa Kalibo ay nagsasagawa na sila ng road clearing sa mga kalsada.

Sa ngayon aniya, kapag may nakita silang naka-park na mga behikulo sa mismong bike lane ay titiketan nila.

Kapag ang behikulo lamang ang naka-park at wala ang driver ay mag-iiwan sila ng notice of violation dito.

Samantala, bibigyan naman ng konsiderasyon ng LTO ang mga naka-park sa bike lane kapag ito ay magsasakay o magpapababa ng kanilang mga pasahero at ang mga naka-park upang may bilhin o kunin lamang sa isang establisiyemento.

Ngunit, hindi na aniya kasama dito ang mga sasakyan na maghapong naka-park sa bike lane dahil ito ay maituturing na illegal parking.

Kaugnay nito, ang mga may-ari ng behikulo na matitiketan ay hindi makakapag-renew ng kanilang rehistro kapag hindi sila makabayad ng kaukulang penalidad sa kanilang ginawang bayolasyon.