Connect with us

Aklan News

LTO REGION 6 HUHULIHIN ANG MGA DRAYBER NA NAG-O-OVERCHARGE SA AKLAN

Published

on

Pangangasiwaan ng Land Transportation Office (LTO) Region 6 ang panghuhuli sa mga abusadong drayber ng pampublikong sasakyan na labis kung maningil ng pasahe sa kanilang mga pasahero.

Ito ay kasunod ng request ni Aklan LTO chief Engr. Marlon Velez sa Regional Director na magpadala dito sa Aklan ng mga enforcer para sa augmentation.

Ayon kay Engr. Velez sa ngayon kasi ay hindi pa nadi-deputized ang kanyang mga empleyado, mga kapulisan, Highway Patrol Group at tanging siya lamang ang otorisado sa ngayon na puwedeng magbigay ng tiket sa mga drayber na lalabag.

Aminado si Velez na dahil sa kakulangan nila ng law enforcement activity kaya mayroong mga drayber na labis ang singil sa pasahe mula sa kanilang mga pasahero.

Ito’y dahil nagtapos na ang deputation order ng HPG, kapulisan at kanyang mga empleyado noong Disyembre 15, 2021.

Sa katunayan ayon kay Velez ay naka-schedule siya upang ikasa ang operasyon laban sa mga mapanamantalang drayber subalit naantala lamang ito dahil sa ngayon ay kumakatawan siyang cashier ng ahensiya matapos tamaan ng COVID-19 ang miyembro ng pamilya ng kanilang designated cashier.

Ipinasiguro naman ng opisyal na sa susunod na Linggo ay siya na mismo ang mangunguna sa operasyon upang masiguro na sumusunod sa kanilang taripa ang mga drayber at ang sinumang mahuling hindi sumusunod dito ay mananagot.