Aklan News
Mag-ama, binaril-patay sa Mahogany plantation ng di pa nakikilalang suspek sa Camanci Sur, Numancia
Kapwa wala ng buhay nang matagpuan ang isang mag-ama sa mahogany plantation sa Camanci Sur, Numancia dakong alas-8 kagabi, Abril 12.
Kinilala ni PMSgt. Felizardo Navarra ng Numancia PNP, ang mga biktimang sina Narciso Andelecio, 59, at Jay R Andelecio, 29, tubong Libacao at kapwa nakatira ngayon sa Brgy. Bubog, Numancia.
Ayon sa pulisya, umaga pa kahapon umalis ng bahay ang dalawa para pumunta sa kanilang pinagtatrabahuhang mahogany plantation.
Pagsapit ng tanghali ay nagtaka ang kanilang pamilya kung bakit hindi pa sila nakakauwi para mananghalian hanggang sa sumapit na ang gabi.
Nagdesisyon ang live-in partner ni Jay R na si Robelyn Idala na hanapin sila at puntahan sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Doon na bumulagta sa kanya ang duguan at walang buhay na mag-ama.
May dalawang tama ng pamamaril sa likod si Jay R habang ang kanyang ama naman ay may tama ng bala sa kaliwang dibdib at paa.
Batay kay PMSgt. Navarra, posibleng mga tanghali pa ginawa ang krimen dahil nakarinig umano ng apat na putok ng baril ang mga residente dakong alas-11:30 ng tanghali.
Narekober ng pulisya ang dalawang empty shell ng caliber 45 sa crime scene.
Isasailalm din sa autopsy ang bangkay ng mga ito.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.