Aklan News
MAG-ASAWANG NEGOSYANTE NAHOLD-UP, MAHIGIT PI60K NA PERA AT ALAHAS, NATANGAY
Mahigit P160K na pera at alahas ang natangay sa mag-asawang negosyante na nabiktima umano ng panghohold-up alas 6:45 kagabi sa Pusiw, Numancia.
Nakilala ang mga biktimang mag-asawa na sina Michael Reyes, 39 anyos at Venzi Reyes, 36 anyos pawang residente ng nasabing lugar.
Arestado naman ang mga suspek na sina Jonito Villafurte Jr., 23 anyos ng Jalas, New Washington, at Mark Bel Donieto, 29 anyos ng Andagao, Kalibo.
Sumbong ng mag-asawa, pauwi na sila kagabi sakay ng kanilang traysikel nang harangin sila ng mga suspek at sapilitang inagaw ang kanilang sling bag na naglalaman ng nasabing pera at mga alahas.
Sa ekslusibong panayam ng Radyo Todo sa mga suspek, sinabi ni Mark Bel na pinuntahan siya ni Jonito sa kanilang bahay dakong alas-5:30 kagabi at niyaya na umalis sakay sa motor.
Sumama naman si Mark Bel at habang nakaangkas sa motor ay sinabi ni Jonito ang balak na paghold-up sa kanyang dating mga amo. Nagdalawang-isip pa umano siya na sumama dahil sa kaba at konsensya pero natuloy pa rin ang kanilang lakad.
Nagpanggap di umano si Jonito na nasiraan ng motor habang siya ay nagtago sa poste at nang mapadaan ang mga biktima ay saka nila kinuha ang bag.
Pagkatapos ay agad na tumakas ang mga suspek, ngunit kalaunan ay naaresto sa follow up operation ng Numancia at New Washington PNP, kung saan narekober din ang mga pera at alahas.
Dinahilan naman ni Jonito na lasing lang siya kaya niya naisipang gawin ang krimen.
Nabatid na nitong nakaraang Lunes lang umalis ng trabaho si Jonito kung kaya’t posibleng namonitor nito ang oras ng pag-uwi ng mga biktima.
Nakatakda namang sampahan ng kasong robbery hold-up ang dalawa ngayong araw.