Aklan News
Mag-asawang sakay ng motorsiklo, binangga ng lasing na motorista


BINANGGA ng isang motorsiklo ang mag-asawang sakay ng isa pang motor sa Jaime Cardinal Sin Ave. Caano, Kalibo pasado alas-9:00 kagabi, Hunyo 20.
Ayon sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, binabaybay nina Ronald Romaquin, 36-anyos at misis niyang si Ina Romaquin, 35-anyos, ang kalsada sakay ng isang Honda TMX.
Pagdating sa lugar ay sinalpok ang mga ito sa likuran ng isang Suzuki Raider na minamaneho ni Raymond Cipriano, 21 at residente ng Brgy. Mabilo New Washington na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.
Ayon kay Romaquin, mabagal ang takbo nila dahil nagpapahangin lang sila habang pauwi galing sa New Washington.
Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mag-asawa pati narin si Cipriano.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng BFP-Kalibo, MDRRMO, at PDRRMO at dinala ang mga biktima sa Provincial Hospital para sa medikal na atensyon.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa aksidente. l Ulat ni Jisrel Nervar