Aklan News
Mag-live in partner natagpuang wala ng buhay at may tama ng baril sa loob ng kanilang sasakyan sa Buruanga
Wala nang buhay at may tama ng bala sa dibdib ang mag-live-in partner ng matagpuan sa loob ng kanilang sasakyan sa Sitio Masag, Panilongan, Buruanga nitong Lunes.
Kinilala ang mga biktima na sina Richan Bartolome, hepe ng Municipal Auxiliary Police (MAP) at Leda Cenon, Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) head ng DILG Buruanga.
Ayon sa ulat, alas-8 pa ng umaga ng makita ang puting sasakyan sa nasabing barangay na nakaparada sa gilid ng kalsada.
Ngunit nagtaka ang mga residente sa lugar ng dumating na ang alas-4 ng hapon ay nandoon pa rin ang sasakyan.
Dahil dito, nagdesisyon ang isa sa mga tanod ng barangay na silipin ang sasakyan at nakita nitong may dalawang tao sa loob na hindi gumagalaw kaya kaagad nila itong ipinagbigay-alam sa mga otoridad.
Sa panayam ng Radyo Todo kay PCapt. Larry John Vidal ng Buruanga PNP, parehong may tama sa kaliwang dibdib ang mga biktima.
Narekober din aniya sa loob ng sasakyan ang isang caliber .38 na baril.
Samantala, ayon naman sa pamilya ni Bartolome, wala naman umanong may nakaalitan ang dalawa at hindi naman nila ito nakikitang nag-aaway.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa motibo ng krimen.