Aklan News
Magkapatid na motorista, patay sa karambola ng motor, traysikel at kotse
DEAD-ON-ARRIVAL ang dalawang magkapatid na motorista at sugatan ang iba pa sa nangyaring karambola ng motorsiklo, traysikel at kotse sa Brgy. Tambak, New Washington kagabi, Agosto 10.
Kinilala ang magkapatid na binawian ng buhay na sina Jorlan Tecson, 28 anyos at Joenard Tecson, 23 anyos, mga taga Brgy. New Buswang, Kalibo.
Batay sa ulat ng pulisya, unang bumangga ang motorsiklong sinasakyan ng magkapatid na Tecson sa kasalubong na motorsiklong Honda Click 125 na minamaneho ni John Carlo Villanueva, 29 anyos ng Bubog, Numancia.
Sa lakas ng salpukan ay tumilapon si Joenard sa traysikel na minamaneho naman ni Eladio Maravilla, 47 anyos.
Samantala, dumeretso rin at sumalpok sa isang Toyata Fortuner na minamaneho ni JoseMaria Mayor si Jorlan.
Ayon kay Ava Joy Maravilla, asawa ng driver ng traysikel na nakaupo sa harapan, malayo palang sila ay nakita na nilang mabilis ang pagpapatakbo ng motor na sinasakyan ng magkapatid.
Malubha ang tinamong pinsala ng magkapatid na Tecson na naging dahilan ng kanilang pagkamatay habang patuloy namang ginagamot sa ospital ang iba pang biktimang nadamay sa aksidente.