Connect with us

Aklan News

Magsasaka, kritikal matapos barilin ng kainuman sa Ibajay

Published

on

BINARIL sa ulo ang isang magsasaka ng kanyang kainuman sa Brgy. Antipolo, Ibajay dakong alas-8:00 ng gabi nitong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Litary Ilinon Jr., 53-anyos na residente rin ng lugar.

Habang ang suspek naman ay si Guiller Hermosilla Sexiona, 37-anyos na dati na rin umanong nakulong matapos makuhaan ng granada at may iba pang record sa baranggay.

Sa panayam ng Radyo Todo kay Kagawad Joel Gubaton, isa sa mga saksi, nag-iinuman umano ang mga ito sa isang kubo malapit din sa bahay ng biktima kung saan ay nag-uusap ang mga ito tungkol sa ipapagawang daan para sa pag-develop rin ng resort nito sa lugar.

Ngunit sa hindi umano malamang dahilan ay sumali sa usapan ang naturang suspek na si Sexiona.

Tumayo umano ito at buong akala nila ay iihi lamang ngunit bigla umano nitong pinaputukan ng baril si Ilinon sabay takbo palayo sa lugar.

Tinamaan sa likurang bahagi ng ulo ang si Ilinon na hanggang ngayon ay kritikal pa sa ospital at nakatakdang i-transport sa isang ospital sa Iloilo.

Ayon naman sa kanilang punong barangay, kagabi umano ay hindi agad nahuli ang suspek dahil tumakbo ito sa bulubunduking bahagi ng lugar.

May mga lumalabas namang impormasyon na balak naman ng suspek na sumuko.

Ngunit kaninang umaga ay wala na umano ito sa kanilang bahay.

Samantala, hindi naman narekober ang baril na ginamit sa pamamaril ngunit nakita naman ang buong pangyayari sa CCTV.

Sa ngayon, ay patuloy pang pinaghahanap si Sexiona ng mga kapulisan.