Aklan News
Magtiyuhin na Top Most Wanted Person sa Nabas, arestado sa magkahiwalay na operasyon
Nagwakas ang pagtatago sa batas ng magtiyuhin na itinuturing na Top Most Wanted Person sa bayan ng Nabas matapos maaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon nitong Agosto a-24.
Kinilala ni Police Corporal Edralyn Abiera ng Nabas PNP ang mga naaresto na sina Cyruz Jay Alden, 21, Top 2 Municipal Most Wanted at Edwin Alden, 38, Top 3 Municipal Most Wanted at kapwa residente ng Barangay Unidos, Nabas, Aklan.
Sa bisa ng warrant of arrest na may kasong paglabag sa Sec 5 ng R.A. 7610, inaresto si Cyruz Jay Alden samantalang inaresto naman si Edwin Alden sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Rape by Sexual Assault sa ilalim ng Art. 266-A, Para 2 na inisyu ni Hon. Presiding Judge Bienvenido P. Barrios Jr., RTC, 6th Judicial Region, Branch 3, Kalibo.
Ayon sa Nabas PNP, sangkot sa iisang krimen ang dalawa.
Nagtakda naman ang korte ng pyansang P180,000 para sa kaso ni Cyruz Jay at P120,000 para sa kaso ni Edwin para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Sa ngayon ay pansamantalang nakapiit sa Nabas lock-up cell ang dalawang akusado at nakatakdang iturn-over sa korte para sa karampatang disposisyon.