Aklan News
Malay PNP naka-full alert status ngayong Semana Santa
Naka-full alert status na ngayon ang Malay Municipal Police Station kaugnay ng paggunita ng Semana Santa o Holy Week.
Ayon kay Malay PNP Chief PLt.Col. Don Dicksie De Dios, nasa 90% na ang kanilang kahandaan para sa nasabing selebrasyon.
Aniya pa, kaunti na lamang ang kanilang kailangan plantsahin lalo na sa seguridad at pagpapanatili ng peace and order lalo na sa isla ng Boracay.
“Almost 90% na-ready na kami para sa Semana Santa at kunting-kunti nalang ‘yung pina-plantsa natin kasi hindi lang security at maintenance ng peace and order,” ani Plt. Col. De Dios.
Isa kasi sa mga dinarayo ng mga bakasyunista’t turista ang Boracay Island lalo na tuwing Holy Week upang magnilay-nilay.
Saad pa ni PLt.Col De Dios, katuwang nila ang Philippine Coast Guard (PCG), PNP Maritime Group, Philippine Army, Auxillary Police at iba pang force multipliers sa pagbibigay ng seguridad at proteksyon sa mga bakasyunista’t turista na tutungo sa Boracay.
“Kasama natin yung PCG, PNP maritime group, Philippine Army pati yung mga force multipliers natin will be providing their precious time.”
Dagdag pa nito na may mga nakatalagang Police Assistance Desk sa isla para sa mga turista at bakasyunista.
Kaugnay nito, nagpapatuloy pa ang mga meeting ng lokal na pamahalaan kasama ang PNP at iba pang ahensiya para masiguro ang lahat ng mga aktibidades kaugnay sa selebrasyon ng semana santa sa isla ng Boracay at sa mainland Malay.