Aklan News
MANAGER NG HOTEL SA BORACAY, NA BIKTIMA NG MGA PEKENG SWAB TEST LABORATORY, ‘DI MAKAPASOK SA ISLA DAHIL AYAW BIGYAN NG QR CODE
Inireklamo ng hotel administrator ng The Crown Beach Hotel Boracay ang Aklan Province kay DILG Usec. Epimaco Densing III dahil sa hindi pag-isyu ng QR code sa kanilang hotel manager na ngayon ay hirap na makapasok sa isla.
Reklamo ni JC Belmonte, idineklarang persona non grata ng Sangguniang Bayan ng Malay ang kanilang hotel manager na si Shenette Tobias Hizon dahil sa pagpasa nito ng pekeng RT-PCR test result noong nakaraang 2020.
Giit niya, biktima lang ng pekeng laboratoryo si Hizon dahil sa abot kayang presyo nito. Idinulog na rin daw nila sa SB Malay ang naturang problema at tinanggal na ang pangalan ni Hizon sa listahan ng mga taong blacklisted sa isla ng Boracay sa pamamagitan ng Resolution Number 182 Series of 2021.
Pero ngayong wala na ang pangalan ni Hizon sa blacklist ay hindi pa rin aniya ito makakuha ng QR code mula sa Aklan Province at hindi parin makabalik ng trabaho.
Nito lang Nobyembre, bumili si Hizon ng ticket ng eroplano sa pag-aakalang mabibigyan na siya ng QR code pero naudlot ang kanyang flight na nakatakda sana nitong Nobyembre 16 dahil pa rin sa kawalan ng QR code na isa sa mga pangunahing requirement sa pagpasok sa isla.
Samantala, nanindigan naman si Aklan Governor Florencio Miraflores na huwag bigyan ng QR code si Hizon dahil sa paulit-ulit na pagpasa ng pekeng swab test result para makapasok sa isla.
Batay sa sulat ni Miraflores kay Usec. Densing nitong Nobyembre 25, 2021, lumalabas sa berepikasyon ng validating team at ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na limang beses na nagpasa ng pekeng RT-PCR test result si Hizon.
Tatlong beses noong Nobyembre 9, 2020, isang beses noong December 5 sa parehong taon at naulit pa noong January 7, 2021.
Dahil dito pinagdududahan ng validating team ang pahayag ni Belmonte na biktima lang si Hizon ng pekeng swab test laboratory.
Marahil ay hindi rin aniya alam ng Sangguniang Bayan ng Malay na limang beses na nagpasa ng pekeng dokumento si Hizon kaya tinanggal ang pangalan nito sa listahan ng mga indibidwal na kabilang sa mga idineklarang persona non grata sa isla.