Connect with us

Aklan News

MANOCMANOC ELEMENTARY SCHOOL, PINASOK NG MGA KAWATAN; COMPUTER, BIKE AT IBA PA, TINANGAY

Published

on

Photo Courtesy| Malay MPS

Pinasok ng dalawang kawatan ang Manocmanoc Elementary School nitong Biyernes kung saan natangay ang mga computer, bike at iba pang gamit sa ICT room ng paaralan.

Nagsumbong sa kapulisan ang Teacher-in-Charge ng Manocmanoc Elementary School na si Herfa Rein Santiago, 53 anyos, nitong Biyernes (Agosto 6) nang mapagtanto ang insidente.

Ipinaabot umano sa kanya ng utility worker ng paaralan na si Arriz Pagcaliwangan na nawawala ang mountain bike nito na nagkakahalaga ng P10,000.

Doon din nila napag-alaman na pinasok ng kawatan ang ICT room at tinangay ang 5 set ng desktop computers, dalawang laptop, isang projector, pati na ang mga CPU, keyboard at mouse na may kabuuang halaga na humigit-kumulang P473,634.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga kapulisan.

Lumalabas na isang concerned citizen ang nakakita sa mga suspek na sina Beboy Adolfo Baladjay, 18 anyos, at Rommel Gabinete Gementiza bitbit ang mga nabanggit na gamit palabas ng paaralan at isinakay sa isang traysikel.

Tumagal ng dalawang araw ang manhunt operation ng mga kapulisan bago naaresto ang suspek na si Baladjay sa Sitio Bung-aw, Manocmanoc, Boracay.

Nakuha sa suspek ang mga nawawalang gamit sa paaralan kabilang ang mountain bike ni Pagcaliwangan, kasalukuyan na itong nakakulong sa lock-up cell ng Malay PNP at mahaharap sa kasong Robbery.

Samantala, nananatili namang at-large ang kasabwat nitong si Gementiza.