Aklan News
MARIJUANA NA INORDER ONLINE, NASABAT SA DALAWANG SUSPEK SA BORACAY


Timbog sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Manocmanoc, Boracay kaninang hapon ang dalawang lalaki matapos mahulihan ng anim na pakete ng marijuana na inorder umano nila online.
Kinilala ang mga suspek na sina Johnbert Arabit, 21 taong gulang, tubong Tacloban at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Manoc-manoc, Malay, Aklan; at Kenjie Miguel, 21 taong gulang, at residente ng Brgy. Balabag, Malay, Aklan.
Sa ikinasang operasyon ng mga pinagsamang pwersa ng Malay PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nahulihan nila ang mga suspek ng dalawang malalaking pakete ng marijuana, apat na malilit na sachet ng marijuana, at Php 1,000 halaga ng marked money. Tinatayang aabot umano sa Php 6, 000 ang market value ng mga nasakoteng illegal na droga.
Inamin ni Arabit sa isang panayam ng Radyo Todo na siya ang umorder ng marijuana online, subalit inutusan lamang umano siya na gawin ito.
Nasa iisang parcel umano ang mga marijuana na inorder nila tatlong araw na ang nakaraan at idineliver ng isang courier service kaninang hapon. Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 of Article ll ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Mula sa ulat ni TBK Reynald Bandiola