Connect with us

Aklan News

Mas maluwag na quarantine classification sa Aklan, inaasahang ianunsyo pagkatapos ng Setyembre 7

Published

on

Aklan New Quarantine classification update

Maaring ibaba ang quarantine classification ng probinsya ng Aklan kung magpapatuloy ang pagbuti ng lagay ng probinsya laban sa COVID-19.

Ayon sa ulat ni Dr. Cornelio Cuachon, Jr. ng Aklan PHO sa naging pagpupulong ng Provincial IATF kahapon ng umaga, Setyembre 5, 2021, kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga nagpo-positibo sa COVID-19 sa karamihan ng mga LGU sa probinsya, mula buwan ng Hulyo hanggang Septyembre 4, 2021.

Nasa low-risk quarantine classification na rin ang Aklan dahil sampu umano sa mga LGU sa Aklan ang kasalukuyang nasa low-risk classification na habang nananatili naman sa moderate risk ang pito pa.

Ibinahagi rin ni Dr. Leslie Ann Luces Acting Chief of DRSTMH sa naturang pagpupulong, na sa pinakahuling datos hanggang Septyembre 4, 2021, bumaba na rin ang bilang ng mga naa-admit sa DRSTMH dahil sa COVID-19.

Kung magpapatuloy ito, maaaring irekomenda ng National IATF ang mas maluwag na quarantine classification sa Aklan pagkatapos ng Septyembre 7, 2021.

Magpapalabas din umano ng bagong EO ang tanggapan ng gobernador ukol sa mga magaganap na pagbabago.

Nakiusap din si Dr. Luces sa mga alkalde na asikasuhin na ang master list ng mga target population upang mapaglaanan na ng bakuna ng DOH. Iginiit rin ni Gov. Miraflores na pa-iigtingin pa ang pagbabakuna upang maabot na ng Aklan ang herd immunity, kung saan layon din ng DOH na sa pagpasok ng Nobyembre 2021, ay may herd immunity na ang buong bansa.