Connect with us

Aklan News

Matigas po ang ulo ng PCSO at pilit nilang pinapasara – Globaltech VP sa isyu ng Peryahan Ng Bayan

Published

on

LEGAL at AWTORISADO umano ng gobyerno ang operasyon ng Peryahan Ng Bayan sa buong bansa ayon kay Atty. Bernard Vitriolo, Vice President at Legal Counsel ng Global Tech Gaming Corporation.

“Ang peryahan ng bayan ay legal at otorisado ng gobyerno dahil nautusan ang gobyerno na hindi dapat nila pahintuin at pahintulutan ang Peryahan Ng Bayan sabi ng final decision ng Court of Appeals noong 2019,” paliwanag ni Vitriolo.

Binigyang-diin nito na hindi totoo ang mga paratang sa Peryahan Ng Bayan at Malaya silang nakakapaglaro sa buong bansa.

Sinisi rin niya ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung bakit walang PCSO representative na pumupunta sa kanilang drawing station, “Kasalanan ng PCSO, ayaw nila na magpadala ng representative tuwing nagbobola.”

“Matigas po ang ulo ng PCSO at pilit nilang pinapasara/pinapahinto gamit ang puwersa ng kapulisan,” ikinalulungkot nito na pilit pa rin itong ginagawa ng PCSO kahit na mayroon na umanong final at executory na court order.

Nakiusap pa si Vitriolo sa mga kapulisan at National Bureau of Investigation (NBI) na huwag magpadalos-dalos dahil naaawa ito sa mga arresting officers na napag-uutusan lamang na mang-aresto sa mga nagpapataya dahil sila ang posibleng makasuhan.

“Mapipilitan tayo na magsampa ng demanda laban sa mga manghuhuli sa peryahan ng bayan, ang mga arresting officers na kawawa naman at napag-utusan laman. Kaya’t ako po ay nakikiusap sa mga kapulisan at NBI na huwag silang padalos-dalos, ” lahad niya.

Pinag-uusapan na umano ngayon sa arbitration tribunal ang usapin kaugnay sa operasyon ng Globaltech na operator ng Peryahan Ng Bayan at inaasahang magtatapos na ito sa Agosto.

Kaya payo ni Vitriolo na hintayin na lamang ang magiging desisyon ng arbitration court.