Aklan News
MAY MONEY INVOLVED BA DITO?
Malay, Aklan – NAGDUDUDA si Malay Vice Mayor Niño Carlos Cawaling na baka may corruption sa nangyaring pamemeke sa kanyang pirma at resolution para sa isang seasports company na gustong mag operate sa Boracay island.
Sa isinagawang hearing kahapon sa Sangguniang Bayan ng Committee on Good Government, isiniwalat ni Cawaling ang kanyang pangamba na baka ikapahamak nya ang ginawang ito ng kanyang mga kasamahan at mga empleyado.
“Bakit ba kayo nagmamadali? May money involve ba dito?”, pahayag ng Vice Mayor.
Maalalang nagreklamo si Vice Mayor Cawaling matapos nyang matuklasan na naglabas ng pekeng resolution at gamit ang kanyang electronic signature, ang Office of the Secretary ng Sangguniang Bayan.
Ayon kay Cawaling, original version ng resolution of endorsement sa Outdoor Adventure Aqua Sports Incorporated ang inilabas ng Sangguniang Bayan kung saan nakasaad pa rin dito ang 10 percent share ng munisipyo sa income ng nasabing pribadong kompaniya.
Matatandaang sa pagtalakay ng mga SB Member, napagkasunduan sa final version ng resolution na tanggalin na lang ang 10 percent share ng munisipyo dahil wala namang partnership na mangyayari at baka ikasira pa ito nang imahen ng LGU.
Ngunit habang nasa Iloilo si Vice Mayor Cawaling at SB Secretary Connie Alcantara noong nakaraang linggo ay nagpaprint out ng maling version resolution sa staff ng Sanggunian Bayan office of the Secretary si SB member Dante Pagsuguiron at ginamitan ito ng electronic signatures.
Dahil sa nasabing resolution ay nabigyan ng special permit to operate ang pribadong kompanya na ikinagalit naman ni Vice Mayor Cawaling.
Paliwanag ni SB Secretary Alcantara na may matagal nang resolution ang Sanghuniang Bayan kung saan pinapayagan ang paggamit ng electronic signature pero dapat ay ipagpaalam muna ito sa may ari ng pirma.
Inamin naman nito sa hearing na nakalimutan na ng kanyang staff na magpaalam sa kanya at kay Vice Mayor Cawaling dahil sa pagmamadali at dami ng ginagawa.
Hindi nan tinanggap ni Cawaling ang paliwanag ni Alcantara.
Ang committee na nag iimbestiga ay pinangungunahan ni SB Ex officio member Ranie Tolosa kung saan myembro rin si SB member Pagsuguiron.
“Ang nakakatawa dito, ang mga nasa committee ay parang may naluto na. It’s 4 versus 1 ang hearing kahapon”, aniya.
Inakusahan din ni Vice Mayor Cawaling si Pagsuguiron na may conflict of interest sa resolution dahil sa kanyang building nag arkila ng opisina ang nasabing kompanya at ito ang personal na naglalakad sa pagpasa ng resolution at special permit.
Desidido namang magsampa ng kasong Falscification of Public Documents si Cawaling kung sino man ang makikita nilang may kinalaman sa insidente.
Pinapahinto na rin muna ni Vice Mayor Cawaling ang Outdoor Aqua sports sa pag ooperate dahil peke ang resolution na ginamit ng mga ito sa kanilang permit.